Pinagpaplanuhan na ng Kongreso ang pagtatanggal ng confidential funds sa ilang ahensya ng gobyerno upang maging limitado na lamang ang paggamit nito at para maiwasan ang pag-abuso sa pondo ng pamahalaan.
Ayon sa panayam ng DZXL News kay Manila 3rd District Representative Joel Chua, ang isusulong na batas sa pagbibigay ng confidential funds ay sisiguruhing para lamang sa mga ahensyang nakatutok sa national security, peace and order, at iyong may intelligence gatherings.
Aniya, malaki ang ginugugol na oras ng Kongreso para suriin kung nagagamit sa tama ang pondo ngunit hindi naman ito ang nangyayari.
“’Di naman po nagagamit sa tama, e kawawa naman po iyong mga kababayan natin, dahil mas magagamit pa po natin ‘to sa ibang paraan, sa ibang bagay na mas kapaki-pakinabang,” saad ni Chua.
Samantala, nagrekomenda na rin ang Kongreso ng mga criminal offense patungkol sa pang-aabuso ng confidential funds tulad ng penalty, perjury, bribery, plunder, at iba pa.