Aminado ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na hirap silang tukuyin ang mga nasa likod ng kumalat na deepfake audio ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NICA Deputy Director General for Special Concerns Abelardo Villacorta na lumabas sa paunang imbestigasyon na nasa ibang bansa ang internet protocol o IP address ng gumawa ng manipuladong audio recording na ginamitan ng artificial intelligence (AI).
Gayunpaman, sinabi ni Villacorta na mayroon silang mga katuwang na ibang intelligence agencies hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.
Nakikipagtulungan din sila sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang ahensya para mahanap ang mga social media bloggers at hackers na responsable sa deepfake audio.
Nauna nang sinabi ng PNP na natukoy na ang pinagmulan ng kumalat na deepfake audio at patuloy pang iniimbestigahan ang lawak ng involvement ng na-identify na source.