Kasunod nang nalalapit na panahon ng Kapaskuhan inaatasan ng Palasyo ang iba’t-ibang sangay ng pamahalaan partikular ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na mahigpit na ipatupad ang minimum health standards upang makaiwas sa pagkakaroon ng spike sa kaso ng COVID-19.
Matatandaang sa pinakahuling quarantine classification sakop pa rin ng General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Iligan City, Lanao del Sur, Davao City at Davao del Norte hanggang December 31 habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) hanggang matapos ang 2020.
Ayon sa Palasyo, lahat ng lugar lalo na ang mga itinuturing na high risk areas tulad ng wet markets, supermarkets, government offices, workplaces, malls at tiangge ay dapat mahigpit na naipatutupad ang minimum public health standards.
Ipapatupad din ang localized community quarantine sa ilang deklaradong critical areas kung saan dapat laging handa ang mga quarantine facilities.
At dahil malapit na ang Pasko kung saan maraming uuwing Overseas Filipino Workers (OFWs), kinakailangang sumailalim muna ang mga ito sa RT-PCR test at quarantine period bago makisalamuha sa kani-kanilang mga pamilya.