Pinaalalahanan ni House Appropriations Committee Chairman at AKO Bicol Party-list Representative Elizaldy Co ang mga ahensya ng pamahalaan na sumunod sa itinakdang spending ban ng Commission on Elections o COMELEC.
Kaugnay ito sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Diin ni Co, ang mga lalabag ay mahaharap sa parusang kulong ng mula isa hanggang anim na taon at disqualification na magtrabaho sa gobyerno at aalisan din ng karapatang bomoto.
Base sa direktiba ng COMELEC, simula kahapon, Setyembre 15 ay bawal na ang paglalabas at paggamit ng public funds para sa social services at development program dahil sa nalalapit na halalan.
May mga programa naman na exempted dito gaya ng rice retailer subsidy at fuel subsidy.
Nilinaw naman ni Co, hindi maaring gawing dahilan ang spending ban para hindi gamitin ng mga ahensya ang kanilang pondo ngayong taon.