
Tiniyak ni Senator Raffy Tulfo na nakahanda ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno sakaling mag-escalate o lumala ang tensyon sa Middle East.
Kaugnay na rin ito sa ipinatawag na emergency meeting ni Tulfo sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kung saan pinag-usapan ang paglalatag ng contingency plans at ang kasalukuyang sitwasyon ng mga OFWs doon.
Ayon kay Tulfo, tiniyak sa kanya na nakahanda ang DMW, OWWA, Department of Foreign Affairs (DFA), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang pangunahing ahensya sakaling tumindi pa ang kaguluhan sa Middle East.
Patuloy aniya ang close coordination ng DMW sa mga ahensya at konsulado ng Pilipinas sa gitnang silangan para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFWs.
Kasalukuyan na aniyang inilalatag ang mandatory evacuation para sa agarang repatriation sa mga kababayan sa Middle East matapos na mapag-alaman na nasa Alert Level 4 na ang Iran, Syria at Iraq habang Alert Level 3 sa Lebanon na voluntary naman ang repatriation.
Samantala, Alert Level 2 naman sa Israel at Alert Level 1 naman sa Jordan at patuloy ang close monitoring ng pamahalaan sa Kuwait, Oman, Bahrain, Qatar at UAE.
Aabot sa mahigit 2.4 million na mga Pilipino ang binabantayan ngayon ang sitwasyon sa Middle East.










