Pinagsusumite ni Senator Chiz Escudero ng spending plan ang mga ahensyang humihingi ng confidential at intelligence fund (CIF) sa ilalim ng 2024 national budget.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, pinaalalahanan ni Escudero ang mga myembro ng gabinete at mga pinuno ng bawat ahensya ng gobyerno na ilahad ang kanilang “physical at financial plan’ kung paano gagastusin ang hiling na CIF na hindi lumalabag sa confidential nature ng pondo.
Aniya, ibibigay naman ng Kongreso sa ahensya ang hinihinging confidential at intelligence fund basta’t maipapakita ang detalye ng plano kung saan ito gugugulin at ito ay salig dapat sa joint memorandum circular (JMC) 2015-01.
Ang JMC na inisyu ng Department of Budget and Management (DBM), Commission on Audit (COA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), at Governance Commission for the GOCCs (GCG) ay itinatakda ang mga alituntunin kung saan lamang pwedeng gamitin ang confidential at intelligence fund.
Ang pagsusumite sa Kongreso ng disbursement plans ng mga government agencies ay magbibigay linaw sa paggastos ng CIF at para ipabatid sa publiko na kahit ang pondo ay ‘confidential in nature’, titiyakin dito na hindi naman pwedeng gastusin sa kahit saan na lang ang budget.
Matatandaang nakwestyon sa pagdinig ng budget sa Senado ang confidential fund ng Office of the Vice President na P500 million at Department of Education (DepEd) na P150 million.