Mga ahensyang nabigyan ng confidential funds, pinagsusumite ng ‘work plan’ para sa pondo

Oobligahin ang mga ahensyang tatanggap ng confidential fund sa susunod na taon na magsumite ng work plan o plano kung paano at saan gagamitin ang nasabing pondo.

Ito ang naging desisyon ng Senado matapos ang naging rekomendasyon nina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros.

Sa 2023 budget kasi ay pinanatili ang confidential fund ng ilang civilian agencies kabilang na dito ang P500 million na confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at P30 million na confidential fund ng Department of Education (DepEd) na kapwa kay Vice President Sara Duterte.


Giit nila Pimentel at Hontiveros, hindi dapat gawing confidential ang paggamit sa mga pondo ng bayan kung ang ahensya na bibigyan nito ay wala namang mandato na magsagawa ng operasyon para sa national security at peace and order.

Hindi umubra ang argumentong ito ng dalawang myembro ng Minorya at natalo sila sa botohan.

Sa pinagtibay na bersyon ng Senado sa 2023 budget, nanatili sa pambansang pondo ang mahigit P9 billion na confidential at intelligence fund kung saan may pinakamalaking pondo rito ang Office of the President na may P4.5 billion.

Facebook Comments