Mula sa dating 16 noong 2012 ay tumaas na sa 28 ang mga ahensya ng gobyerno na humihingi ng confidential funds sa ilalim ng 2024 national budget.
Ayon kay Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin, dumami ang mga ahensyang nakikiuso sa pagkakaroon ng confidential funds at umaabuso rin.
Binanggit ni Garin na ang kabuuang confidential fund noong 2016 ay nasa P720 milyon na tumaas noong 2017 sa P2.07 bilyon, at dumoble noong 2020, na umabot sa P4.57 bilyon.
Napuna ni Garin na tumaas nang tumaas ang confidential fund pero hindi naman napunta sa mga tamang ahensya lalo na ang may kinalaman sa national security.
Bunsod nito ay sang-ayon si Garin na ilipat ang confidential funds at gamiting pagsuporta sa anti-smuggling campaigns, gayundin sa mahahalagang aktibidad ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na silang nangangalaga sa West Philippine Sea (WPS) at ang mga lugar ng pangingisda.
Kaakibat nito ay pinaalalahanan ni Garin ang mga kinauukulang ahensya na gamitin ang confidential funds sang-ayon sa layunin nito.