Mga ahensyang tumutugon sa sitwasyon ng mga Pilipino sa Israel, magbibigay ng briefing ngayon sa Kamara

Ala-1:30 mamayang hapon ay nakatakdang magbigay ng briefing sa House Committee on Overseas Workers Affairs ang mga ahensya na nakatutok at pangunahing tumutugon sa sitwasyon ng mga Pilipino sa Israel.

Ayon kay Committee Chairman at Kabayan Party-list Rep Ron Salo, target ng pamumunuan niyang pagdinig na matukoy ang kalagayan ng ating mga kababayan na naiipit sa gulo sa pagitan ng Israel at grupong Hamas.

Inaasahang ilalatag din ng sa hearing ang mga hakbang na ginagawa ngayon ng gobyerno para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng Overseas Filipino Workers o OFWs sa Israel.


Kabilang sa mga ahensyang haharap sa pagdinig ay ang Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Migrant Workers at Department of National Defense.

Inihain din ni Salo ang House Resolution 1369 na humihikayat sa ehekutibo na bumuo ng isang Crisis Management and Response Task Force para asistehan ang mga Filipino migrant sa Israel.

Bubuuin ang task force ng DFA at DMW, DND, OWWA, Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Information and Communications Technology, National Intelligence and Coordinating Agency, Philippine Ambassador to Israel at Labor Attaché sa Israel

Facebook Comments