Nagdesisyon ang liderato ng House of Representatives na ilisin ang confidential at intelligence funds sa ilalim ng panukalang 2024 budget na inilaan sa mga ahensya at departamento na walang direktang kinalaman sa pagbibigay ng proteksyon at kaligtasan ng bansa.
Ang maiipong pondo ay ililipat o idadagdag sa budget ng mga security agency upang proteksyunan ang karapatan ng mga Pilipino lalo na ang ating mga mangingisda, at tugunan ang umiinit na tensyon sa West Philippine Sea.
Halimbawa nito ang National Intelligence Coordinating Agency, National Security Council, Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Ang nabanggit na hakbang ay sinegundahan ng magkasamang pahayag ng iba’t ibang partido politikal sa Kamara kasunod ng mga nangyari sa Scarborough Shoal at iba pang bahagi ng West Philippine Sea.
Kasamang lumagda sa joint statement sina:
Rizal 1st District Rep. Michael John Duavit, pangulo ng Nationalist People’s Coalition;
Agusan del Norte 1st District Rep. Jose “Joboy” Aquino II, secretary general ng Lakas-Christian Muslim Democrats;
Romblon Rep Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ng Nacionalista Party; Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel, vice president for Mindanao ng PDP-Laban;
Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, pangulo ng National Unity Party; at Barangay Health & Wellness (BHW) Partylist Rep. Angelica Natasha Co, na kumatawan sa Partylist Coalition Foundation Inc.
Kanilang inihayag na mahalagang masiguro na ang paggamit ng limitadong pondo ay nakalinya sa prayoridad ng gobyerno at pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.