
Paiimbestigahan ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga natanggap na impormasyon na ilang Airbnb sa bansa ang naglalagay ng hidden cameras at inire-record ang ginagawa ng mga naka-book na guest nila.
Sa mga reklamong nakarating sa senador, ginagamit umano ang mga video para ipang-blackmail sa mga guest at hingan ng pera, at kapag hindi nagbayad ay tatakutin na ilalabas ang video.
Gumagamit aniya ng high-resolution na camera ang ilang Airbnb at dahil sa linaw, maging ang detalye kapag nagbubukas ng laptop ang guest ay nakukuha.
Hindi rin aniya natatapos sa isang beses lang ang paghingi ng pera at pananakot.
Bagama’t may mga nakakarating na ganitong impormasyon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), hindi nila maitulak ang imbestigasyon dahil walang naghahain ng pormal na reklamo mula sa mga naging biktima.









