Manila, Philippines – Ipinare-review ni PBA party list Representative Jericho Nograles ang budget ng Manila International Airport Authority sa 2019.
Ito ay para matugunan ang mga kailangang kagamitan at pasilidad upang hindi na maulit ang overshoot sa runway ng Xiamen airlines na nangyari noong nakaraang linggo.
Dahil dito, nakahanap din ng kakampi ang mga airport officials sa katauhan ni Nograles.
Giit ng kongresista, hindi kasalanan ng mga airport officials kung bakit natagalan ang pag-alis sa sumadsad na eroplano kundi ito ay dahil sa maling pag-handling at kakulangan sa response at kagamitang mag-aalis sa eroplano.
Kinakailangan pa aniyang mag-outsource ng crane ng MIAA para maialis ang eroplano sa runway.
Dapat aniyang matiyak na nakapaloob sa 2019 budget ng MIAA ang pondo para sa modern rescue, lifting at firefighting equipment para sa NAIA at lahat ng local airports sa bansa upang nakahanda ang bansa sakali mang maulit ang kahalintulad na insidente.