Nakatutok pa rin ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa lagay ng tatlong bulkan sa bansa partikular ang Bulkang Taal, Mayon at Kanlaon na patuloy ang aktibidad.
Ayon sa PHIVOLCS, nadagdagan ang volcanic earthquakes na naitala sa Bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras.
Base sa monitoring ng PHIVOLCS, umakyat sa 5 ang volcanic earthquakes sa bulkan, mula sa 2 pagyanig noong nakaraang araw
Nananatili rin ang pagluwa ng 1,198 tonelada ng asupre o sulfur dioxide sa bunganga ng bulkan at ang katamtamang pagsingaw na umabot sa 300 metro ang taas.
Nagkaroon naman ng malakas na pagsingaw sa Bulkang Taal na umabot sa 1,800 metro ang taas.
Bukod dito, aabot rin sa 14 ang naitalang volcanic tremors sa bulkan na tumagal ng 2-25 minuto kung saan kapwa nasa Alert Level 1 ang Bulkang Kanlaon at Bulkang Taal.
Samantala, nagpapatuloy naman ang pagdaloy ng lava sa Bulkang Mayon.
Ayon sa PHIVOLCS, umabot sa 1.5km ang lava flow sa bulkan at nagkaroon din ng pagguho ng lava hanggang 3.3km patungo sa Mi-isi at Bonga Gullies.
Wala namang naitalang volcanic earthquake bagama’t mayroong 265 na rockfall events ang na-monitor at 5 pyroclastic density current events o pagdausdos ng magkahalong abo, mainit na bato, at volcanic gas sa Bulkang Mayon.