Kinansela ng Department of Education (DepEd) ang mga nakalinyang aktibidad nila ngayong taon katulad ng festival of talents, iba pang mga malakihang contest at national events pati na rin ang mga fieldtrips.
Ito ang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones sa pagdinig ng Committee on Health na pinamumunuan ni Senator Christopher Bong Go.
Ayon kay Briones, ito ay bilang pagsunod sa payo ng Department of Health (DOH) na huwag munang dalhin sa matataong lugar ang mga estudyante para maproteksyunan laban sa novel coronavirus.
Sabi ni Briones, gagawa sila ng lingguhang assessment para matukoy kung kailan itutuloy ang mga ipagpapaliban na aktibidad.
Samantala, sa pagdinig ng Senado ay tiniyak naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na handa na ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija para gamitin sa pag-quarantine ng mga Pinoy na ililikas mula sa China.
Ayon kay Lorenzana, kaya nitong tumanggap ng hanggang 10,000 katao.
Sa Senate hearing ay inianunsyo naman ng University of the Philippines National Institute of Health na nasa proseso na sila ng pag-develop ng rapid test kit para sa nCoV at inaasahan na magagamit na ito ng DOH sa susunod na linggo.