Ipinagbabawal ang paglangoy at iba pang aktibidad sa bahagi ng Agno River at iba pang daluyan ng tubig sa Bautista ngayong Semana Santa.
Ito ay matapos maglabas ang Local Government Unit (LGU) Bautista ng kautusan na nagbabawal sa nasabing mga gawain mula Abril 1 hanggang 5, 2026.
Alinsunod ito sa Executive Order No. 021, Series of 2026, na inilathala noong Marso 26, 2026, na ipinatupad upang makaiwas sa mga insidente ng pagkalunod at masiguro ang kaligtasan ng mga nais magbakasyon.
Isasapubliko ang abiso sa pamamagitan ng paglalagay ng mga palatandaan sa mga ilog at iba pang katubigan sa bayan.
Sakop ng direktiba ang Philippine National Police (PNP), mga opisyal ng barangay, at iba pang kaugnay na ahensya.
Ayon sa LGU, agad ipatutupad ang pagbabawal at mananatiling may bisa hanggang sa ito ay opisyal na bawiin. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










