Mga aktibo at bagong pasok na military at uniformed personnel, kakaltasan na ng kontribusyon para mapanatiling matatag ang kanilang pension system

Isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Kongreso ang reporma sa pension system ng military at uniformed personnel.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang hakbang na ito ng pangulo ay upang mailigtas sa napipintong pagbaba ng pondo para sa pension system para sa mga retiradong mga sundalo at iba pang uniformed personel na magre-retiro din sa hinaharap.

Sakop ng isusulong na pension system reform ang pagkakaltas na ng kontribusyon sa mga aktibo at mga bagong pasok sa military service at ng iba pang unipormadong kawani.


Paliwanag ni Diokno, na ang sistema ngayon ay inaasa lamang sa taunang budget ng gobyerno ang pension para sa mga retiradong militar at uniformed personnel pero wala namang kinakaltas na kontribusyon mula sa mga ito.

Hindi aniya katulad sa mga kawani ng gobyerno at pribadong sektor na kinukuhanan ng kontribusyon sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) para sa kanilang pension.

Sa katunayan pa nga ayon sa kalihim na ngayong taon naglaan ang pamahalaan ng P120 hanggang P130 bilyon pondo sa pension para sa mga retiradong sundalo at uniformed personnel.

Sakop ng gagawing reporma sa sistema ng pension ang mga taga-Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Safety College, Philippine Coast Guard at Bureau of Corrections.

Sa ngayon, sinabi ni Diokno na umaabot sa P40,000 ang pensiong tinatanggap ng mga retiradong sundalo at uniformed personnel kumpara sa 4500 lamang sa mga pensioner ng SSS, habang higit P13,000 naman sa mga retiradong kawani ng gobyerno sa ilalim ng GSIS.

Facebook Comments