Mga akusado sa pang-aabuso sa aktor na si Sandro Muhlach, haharap sa pagdinig ng Senado

Inaasahang maghaharap ang pamilyang Muhlach at ang mga akusado sa pang-aabuso sa artistang si Sandro Muhlach sa pagdinig ng Senado ngayong araw.

Kumpirmadong haharap sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Senator Robinhood Padilla ang dalawang independent contractors ng GMA na sina Jojo Nones at Richard Cruz sangkot sa sexual harassment sa batang aktor.

Sina Nones at Cruz ay sinampahan ni Sandro ng kasong kriminal sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos niyang ireklamo ang mga ito ng sexual harassment.


Magkagayunman, may hiling ang dalawang akusado na sina Nones at Cruz sa komite at ito ay huwag silang harangin ng media para sa interview habang papunta sa hearing venue.

Sa pamilya ni Sandro ay muling haharap ang ama niyang si Niño Muhlach at ang kapatid na si Angela Kristine Muhlach.

Noong nakaraang linggo sinimulan ng komite ang imbestigasyon sa isyu at dito’y binubusisi rin kung ano ang inilalatag na polisiya ng mga TV network at mga artist management center laban sa sexual harassment at iba pang pang-aabuso sa kanilang mga artista at empleyado.

Facebook Comments