
Tinawag ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. na sinungaling at pang-Netflix ang script ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co matapos idawit ang first lady sa mga isyung may kinalaman sa Agriculture Department.
Sa kanyang inilabas na video, tahasang inakusahan ni Co si First Lady Liza Araneta-Marcos na hawak ang mga rice importers at sangkot din sa rice smuggling.
Pero ayon kay Tiu-Laurel, ni minsan ay hindi nangialam ang unang ginang sa mga isyu sa DA.
Aniya, sa confidential report na isinumite ng Agriculture Department sa Kongreso kaugnay sa isyu ng smuggling ay wala dito ang pangalan ng first lady.
Una nang sinabi ng civic group organization na People’s Alliance for Democracy and Reforms at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, na hindi ‘whistleblowing’ kundi panlilinlang ang ginagawa ni Co sa publiko.
Giit ng grupo, wala pa ring kredibilidad si Co dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ito umuuwi ng Pilipinas para panumpaan ang kanyang salaysay.









