Iginiit ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na walang basehan ang mga akusasyon ni Pastor Apollo Quiboloy laban sa gobyerno na target lang umano na ilihis ang atensyon ng lahat mula sa mga kinakaharap nitong mga reklamo.
Pahayag ito ni Romualdez makaraang paratangan ni Quiboloy ang administrasyon na nakikipagsabwatan umano sa mga awtoridad ng Estados Unidos para umano sya ay ipadukot at ipapatay.
Diin ni Romualdez, ang pamahalaan, mga opisyal nito, lalo na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay umaaksyon alinsunod sa ibinigay na kapangyarihan ng konstitusyon at mga umiiral na batas.
Sabi ni Romualdez, ito ay para sa layuning matiyak na nasusunod ang rule of law para maproteksyunan ang kapakanan at seguridad na bawat isa.
Bunsod nito ay pinayuhan ni Romualdez si Quiboloy na harapin na lang ang mga reklamo laban sa kanyan sa tamang paraan at irespeto ang legal na proseso sa bansa.
Tiniyak naman ni Romualdez na ang pagtupad nila sa tungkulin para sa mamayang Pilipino ay hindi matitinag at maapektuhan ng mga walang katotohanan impormasyon na ikinakalat umano ni Quiboloy.