Manila, Philippines – Ayaw nang seryosohin ng Palasyo ng Malacañang ang mga patama ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabatid na sinabi ni Trillanes na hindi na uso ang Davao Death Squad dahil Philippine Death Squad na ang umiiral kung saan inatasan umano ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng PNP para maging PDS.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, kung titingnan ang interview kay Trillanes ng isang international news agency ay makikita ang buong pagkatao ni Trillanes na tila umiikot na sa kanyang kahibangan.
Tulad din aniya ng lumabas sa interview kay Trillanes ay sintonado o wala sa tono ang mga pinagsasabi nito dahil taliwas ang kanyang mga pahayag sa mga sinasabi ng publiko o ng mga datos ng gobyerno.
Nabatid na kumakalat ngayon sa social media ang video kung saan ininterview si Senador Trillanes ng BBC kung saan sinasabi ng mga nakapanood nito ay napahiya ang senador.