Manila, Philippines – Inilalatag na ngayon ng complainant na si Atty. Larry Gadon ang 27 acts o alegasyon laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ilan sa mga reklamo na ibinabato laban kay Sereno ay ang falsification sa mga resolution ng Korte Suprema, pakikialam sa JBC shortlist, pagdedesisyon na walang konsultasyon mula sa en banc, pagmanipula at sobrang paggamit nito ng kapangyarihan sa Korte Suprema, pagupo sa retirement at iba pang benepisyo ng mga Justices at Judges pati na rin ang mga surviving spouses ng mga ito, paggamit sa pondo ng judiciary sa mga maluluho at magagarbong byahe nito sa local man o abroad at ang hindi tamang deklarasyon ng kanyang SALN.
Ang mga nasabing alegasyon ang magbibigay bigat sa impeachment case laban kay Sereno para sa pagdetermina ng probable cause.
Pero dahil ito ay nabanggit at naisa-isa na ni Justice Committee Chairman Reynaldo Umali kanina, hiniling na lamang na ipatawag si SC Associate Justice Teresita Leonardo de Castro para patotohanan ang mga reklamo sa Punong Mahistrado at ang pagpapakita ng mga ebidensya.
Samantala, ibinasura din ng komite ang hiling ni Sereno na payagan itong i-represent o katawanin ng kanyang 11 abogado at payagang makapag-cross examine ang mga ito sa mga saksi.
Lumabas naman na ang mga abogado ni Sereno ng Nograles hall matapos matalo sa botong 30-4 sa kanilang mosyon.
Sinabi ni Atty. Alex Poblador na hihintayin na lamang nila ang pagakyat ng bubuuhing articles of impeachment at sa impeachment court sila babawi na maipagtanggol si Sereno.