
Iginiit ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na kailangan munang imbestigahan ng Kamara at beripikahin ang mga alegasyon ni Ramil Madriaga laban kay Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni Ridon sa harap ng plano ng ilang civil society members at complainants sa naunang consolidated impeachment complaints na idagdag ang mga akusasyon ni Madriaga para sa panibagong impeachment complaint na kanilang ihahain laban kay VP Sara.
Ipinunto rin ni Ridon na masyadong mabigat ang mga alegasyon ni Madriaga kaya kakailanganin ng Kamara ang corroborative evidence upang ito ay mapatibay.
Sabi ni Ridon, bukod sa House Committee on Justice, ay maaring ding mag-imbestiga sa mga paratang ni Madriaga kay Duterte ang House Quad Committee.
Dagdag pa ni Ridon, kailangan ding makipag-ugnayan ang Kamara sa mga kaukulang ahensya upang kalkalin ang background ni Madriaga at masuring mabuti ang sinumpaang salaysay nito laban sa ikalawang pangulo.










