Mga alegasyon ni Pangulong Duterte laban kay Senator Drilon, lumang isyu na

Hindi apektado si Senator Franklin Drilon sa pag-uugnay sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Janet Lim Napoles, gayundin kina dating Iloilo Mayor Jed Mabilog at retired police general Marcelo Garbo Jr.

Si Napoles ang tinaguriang pork barrel scam queen habang sina Mabilog at Garbo naman ay iniuugnay sa iligal na droga.

Inungkat din ni Pangulong Duterte kay Drilon kung sino ang nagsilbing broker sa bentahan ng lumang Iloilo City Airport sa Megaworld kung saan itinayo ang Iloilo Convention Center.


Giit ni Drilon, mga maling impormasyon, malisyoso at mga lumang isyu na ang ibinabato sa kaniya ng pangulo.

Ayon kay Drilon, hindi niya kailangang idepensa ang magandang nangyari sa Iloilo, sabay banggit na nabenta ang old Iloilo airport sa pamamagitan ng public bidding na isinagawa ng Privatization Council.

Diin pa ni Drilon, inimbestigahan na ito ng ombusman at walang natukoy na korapsyon kaya mainam na tanungin na lang ng pangulo ang mamamayan ng Iloilo ukol sa pag-unlad ng Iloilo City.

Hindi rin maintindihan ni Drilon kung bakit kailangan niyang ipaliwanag ang kaugnayan niya kina Mabilog at Garbo gayong wala ni-gatuldok na ebidensya na mag-uugnay sa kaniya sa iligal na droga.

Facebook Comments