
Nagkaisa ang mga alkalde mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Pampanga matapos lagdaan ang isang kasunduan para sa mabuting pamamahala na nakatuon sa integridad, transparency, at pananagutan sa serbisyo publiko.
Idinaos ang pagpirma sa Pampanga Business and Investment Forum 2025 sa pangunguna ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Pampanga Chapter.
Sa kanilang “Statement of the Pampanga Mayors for Good Governance,” mariing kinondena ng mga alkalde ang lahat ng uri ng katiwalian na anila’y pumipinsala sa mamamayan at humahadlang sa kaunlaran.
Binigyang-diin nila ang pangangailangang matiyak ang maayos na paggamit ng pondo ng bayan upang mapakinabangan ng bawat Kapampangan.
Ipinahayag ni Pampanga Mayors League President Oscar Tetangco Jr. na lumagda ang lahat ng alkalde mula sa 19 bayan bilang tanda ng kanilang pagkakaisa laban sa korapsyon.
Nangako rin silang palalakasin ang tamang pamamahala sa pondo, monitoring at reporting systems, at pagpapatupad ng mga hakbang para mapangalagaan ang yaman ng gobyerno at mapahusay ang serbisyo publiko.









