Manila, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang municipal mayors sa bansa na umiwas sa korapsyon.
Sinabi ito ng pangulo sa kanyang pagdalo sa unang General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines sa Maynila.
Maliban dito ay hinimok din ni Pangulong Duterte ang mga alkalde sa bansa na suportahan ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Ayon kay Pangulong Duterte, isang halimbawa para malabanan ang korapsyon ay ang pag-alis ng prinsipyo ng lowest bid sa mga proyekto ng pamahalaan.
Sabi pa ng pangulo, madalas ang napipiling kompanya kasi ang pinagmumulan ng korapsyon.
Mas mabuti na aniyang kunin ang mas may mahal na proyekto para sa de kalidad na resulta.
Iginiit din ng punong ehekutibo na noong siya pa ang mayor ng Davao City mahigpit talaga ang kanyang kampanya kontra kriminalidad.
Muli ring binanggit ng pangulo ang paglabag sa karapatang pantao na gustong isampa sa kanya dahil naman sa umano’y Extra Judicial Killings sa bansa.
Kaya naman hinamon nito ang mga nag-aakusa sa kanya na magpakita ng matibay na ebidensya.
Muli ring ipinakita ni P-Duterte ang kanyang listahan ng Narco Politicians kung saan mananagot aniya ang sinumang politikong sangkot sa illegal drug trade.
Nabatid na mahigit 1,300 municipal mayors ang dumalo sa nasabing pagtitipon.