Inabisuhan ng mga alkalde sa CAMANAVA area ang kanilang mga residente na maghanda at patuloy na tumutok sa inilalabas na anunsiyo ng lokal na pamahalaan.
Ito’y matapos na itaas ng PAGASA ang bagyong karding bilang isang super typhoon.
Kasalukuyan ng nasa Signal No. 3 ang Metro Manila kung kaya’t naka-monitor na ang lahat ng Local Government Units (LGUs) sa CAMANAVA area sa kanilang mga nasasakupan.
Kaugnay nito, nauna ng kinansela ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang isinasagawa nilang COVID-19 vaccination bilang precautionary measures.
Ang Navotas LGU naman ay naglabas ng mga checklist bilang panuntunan kung ano ang nararapat gawin bago at sa oras na manalasa na ang bagyo.
Ang mga residente naman sa Malabon ay pinapaalalahanan ng lokal na pamahalaan na maghanda sakaling magkaroon ng biglaang pagbaha at maiging lumikas na rin habang maaga.
Una namang inilagay ni Mayor Along Malapitan sa red alert status ang operation center ng Caloocan LGU upang ma-monitor ang sitwasyon ng Super Typhoon Karding kung saan pinag-iingat nila ang lahat ng kanilang mga residente lalo na ang nasa mabababang lugar.
Bukod dito, inabisuhan na rin ni Mayor Along ang mga barangay at city department na kabilang sa disaster preparedness na maging alerto anumang oras.