Inupakan ng Department of Health (DOH) ang mga alkaldeng sumisingit sa pagbabakuna sa healthcare workers kontra COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, dapat unahin muna sa pagbabakuna ang health workers dahil sila ang “most at risk” sa COVID-19.
Posible rin aniyang bawasan ng COVAX Facility ang bakunang isinu-supply nito sa Pilipinas oras na malaman nito na nilabag ng pamahalaan ang kasunduan na ang health workers ang dapat iprayoridad sa COVID vaccination.
Maging ang World Health Organization (WHO) ay una na ring nagbabala sa implikasyong maaaring idulot sa suplay ng bakuna mula sa COVAX Facility kapag nalabag ang prioritization sa pagbibigay ng bakuna.
Ang mga bakuna para sa 15% ng populasyon mula sa COVAX Facility ay libreng ipagkakaloob.
Sa kabila nito, ipinauubaya na ng DOH sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang imbestigasyon laban sa mga sumingit sa pagbabakuna sa medical frontliners.