MGA ALTERNATIBONG PAMPAINGAY SA PAGSALUBONG NG BAGONG TAON, ALAMIN

Gustong mag-ingay pero takot sa paputok? Gusto ng masayang pagsalubong sa Bagong Taon pero ayaw gumastos nang malaki para sa fireworks? May solusyon diyan sa mga alternatibong pampaingay na madaling hanapin sa mga pamilihang bayan.

Kabilang sa pinakapopular ang torotot at air horn na karaniwang ginagamit pagpatak ng alas-dose. Simple man, siguradong rinig at swak pa sa lahat ng edad.

Patok ang mga ito lalo na sa mga bata na hindi pinapayagang gumamit ng anumang uri ng paputok. Bukod sa mas ligtas, dagdag saya rin sa salu-salo ng pamilya.

Nagkakaiba-iba ang presyo ng torotot at air horn, depende sa laki at klase, na mabibili sa abot-kayang halaga.

Mayroon ding mga mas malikhaing Pilipino na gumagawa ng sariling pampaingay o DIY, tulad ng paggamit ng kaldero, kawali, o palanggana na ginagawang drums at cymbals—libre na, masaya pa.

Uso rin ngayon ang tinatawag na bubble fireworks machine kung saan tila may fireworks display dahil sa mga lumalabas na bula na sinasabayan ng makukulay na ilaw. May saya, walang putok, at bawas panganib.

Ayon sa paniniwala, ang pagpapaingay sa pagsalubong ng bagong taon ay nakakataboy ng malas at nakakaakit ng swerte para sa buong taon.

Paano mo man piliing magdiwang, huwag kalimutan na mas masaya ang bagong taon kapag ligtas ang lahat.

Facebook Comments