Umarangkada na ang pagtalakay ng Bicameral Conference Committee o Bicam sa 4.5-trillion na proposed 2021 national budget kung saan pagkakasunduin ang bersyon ng dalawang kapulungan.
Pero ito ay tumagal lang ng 30 minuto at nagkasundo ang mga miyembrong senador at kongresista na ipaubaya sa chairman ng kanila-kanilang panel ang pagplantsa sa mga amendments.
Ito ay sina Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara at House Appropriations Committee Chairman Eric Yap.
Sabi ni Angara, ikokonsulta nila sa miyembro ang magiging resulta ng pagtalakay nila ni Yap at may sapat silang oras para isapinal ang 2021 budget na target maratipikahan sa susunod na linggo.
Positibo naman si Angara na walang masyadong pagkakasalungat ang bersyon ng dalawang Kapulungan ng 2021 budget lalo’t nagkakaisa sila ng pagprayoridad sa COVID-19 response, kung saan kasama ang pagbili ng storage ng bakuna, hiring ng health personnel at pag-ibayo sa bed capacity ng mga ospital.
Dagdag pa ni Angara, pareho ding tinutukan ng ipinasang General Appropriations Bill ng Senado at Kamara ang pagtugon sa kalamidad tulad ng recovery at rehabilitation ng mga lugar na sinalanta ng bagyo.