Tiniyak ni Senator Jinggoy Estrada na mapapanagot sa batas ang mga amo ng minaltratong kasambahay na si Elvie Vergara sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Ang 44 taong gulang na si Vergara ay bulag na ngayon matapos na ilang taong makaranas ng pisikal na pananakit mula sa kanyang mga amo.
Ayon kay Estrada na mayakda ng Kasambahay Act o Republic Act 10361, gagawin niya ang lahat ng paraan para papanagutin sa batas ang mga amo sa ginawang marahas at hindi makataong pagtrato sa kasambahay.
Sinabi ng senador na kung totoo mang nagnakaw ang kasambahay tulad ng ibinibintang ng mga amo ay dapat idinaan sa ligal na proseso at hindi inilagay sa kanilang mga kamay ang hustisya.
Handa si Estrada na magbigay ng tulong kay Vergara partikular na sa gagastusin sa operasyon sa mata nito.
Inihalintulad pa ng mambabatas ang kaso ni Vergara sa naging sitwasyon ng kasambahay na si Bonita Baran na nabulag din noon dahil sa pang-aabuso ng kanyang mga amo.
Si Estrada ang nangasiwa ng imbestigasyon sa Senado kaugnay ng kaso ni Baran noong 2012 na naging daan para mapabilis ang pagsasabatas ng Domestic Workers Act na nagtatakda ng mga patakaran para sa proteksyon at kapakanan ng mga kasambahay.