Ipinapa-subpoena ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang mga amo ng minaltratong kasambahay na si Elvie Vergara.
Nagmosyon si Senator Jinggoy Estrada na ipa-subpoena ang mga amo ng kasambahay at agad na inatasan ni Committee Chairman Francis Tolentino ang Committee Secretariat na mag-isyu ng subpoena para mapaharap sa susunod na pagdinig sina Pablo Ruiz, asawang si France at mga anak na sina Jerry at Danica.
Ikinairita ni Estrada ang excuse letter na ipinadala ng pamilya sa komite na hindi makakadalo sa pagdinig dahil sa medical condition.
Samantala, sa pagdinig ay nakatikim ng sermon mula sa mga senador si Barangay 7, Mamburao, Occidental Mindoro Chairman Jimmy Patal kung saan naninirahan ang mga amo ng naabusong kasambahay.
Sa salaysay kasi ni Nanay Elvie, nang makatakas siya sa bahay ng kanyang mga mapang-abusong amo noong 2021 ay dumiretso siya sa barangay hall para magsumbong kay Kapitan Patal.
Pero sa halip aniya na pakinggan siya ng kapitan ay tinawagan nito ang kanyang amo para sabihing naroon siya sa Barangay Hall.
Ipinunto ni Committee Chairman Francis Tolentino ang pagkukulang ng barangay chairman sa insidente kabilang na rito ang pagkakaroon ng database ng lahat ng mga kasambahay sa kanilang lugar at pagmo-monitor sa mga ito.