Mga amyenda sa panukalang paglikha ng sovereign wealth fund, tinanggap ng Committee on Banks and Financial Intermediaries

Inaprubahan ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ni Manila Rep. Irwin Tieng ang mga isinulong na amyenda sa panukalang sovereign wealth fund.

Kabilang dito ang pagbalik sa orihinal na pangalang Maharlika Investment Fund o MIF gayundin ang pagtanggal sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at national budget sa mga pagkukunan nito ng start-up fund.

Naalis na rin ang pitong taong fixed term para sa secretary of finance na uupo bilang chairman of the board of directors ng Maharlika Investment Corporation o MIC.


Kasama naman sa mga direktor ng board ang pinuno ng Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Bangko Sentral ng Pilipinas at apat mula sa pribadong sektor.

Naglagay rin ng penal provision na magpaparusa ng isa hangang limang taong pagkakulong at multa na P50,000 hanggang P2 million sa sinumang miyembro ng MIC na lalabag sa investment policy o magpapabaya at hindi rin maaaring i-manage ng MIC ang isang kompanya na paglalagakan nito ng puhunan.

Ang 20% naman ng net profit ng MIF ay ilalaan sa social welfare.

Facebook Comments