
Bibigyang prayoridad ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga anak ng 4Ps beneficiaries sa libreng kolehiyo o Tech-Voc education sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address o SONA na sa bawat pamilyang Pilipino, target niyang magkaroon ng kahit isang anak na makatapos ng kolehiyo o tech-voc course.
Sa post SONA discussion, sinabi ni CHED Chairperson Shirley Agrupis na hindi na dadaan sa kumplikadong proses ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps.
Manggagaling aniya sa Department of Social Welfare and Development ang pinal na listahan nito na siyang pagbabatayan ng CHED sa pagbibigay ng financial assistance.
Sa ngayon aniya, nililinis na ng CHED at DSWD ang listahan upang matiyak kung ilan sa mga kabataang mula sa poorest of the poor ang kwalipikado para sa scholarship.
Batay sa datos ng CHED, nasa higit 535,000 ang kwalipikado para sa 2024–2025, pero mahigit 300,000 pa lamang ang nabibigyan ng scholarship.
Habang may nakalaan na ring P20 billion na pondo para sa ongoing 4Ps scholars para sa 2026.
Gayunpaman, ayon kay Agrupis, para maisama ang karagdagang 161,000 qualifiers, kinakailangan pa ng CHED ng dagdag na P4.4 bilyon na pondo.









