
Naghain ng counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) ang mga anak ng negosyante at gaming tycoon na Charlie “Atong” Ang kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Itinanggi ng mga anak ni Ang ang mga paratang na sangkot sila sa pagkawala ng mga sabungero at iginiit na walang basehan at ebidensya ang mga alegasyong isinampa laban sa kanila ng umano’y whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
Ayon sa kanilang abogado na si Atty. Lorna Kapunan, nabigo si Patidongan na magbigay ng sapat na patunay sa mga akusasyon at kulang umano ang kanyang testimonya para maituring na may prima facie evidence o sapat na batayan upang ituloy ang kaso.
Dagdag pa ni Kapunan, pilit na idinadawit ni Patidongan ang pamilya Ang at kanilang mga kasamahan upang mailigtas umano ang sarili sa kasong kidnapping na kinahaharap nito sa Manila Regional Trial Court.
Si Patidongan anila ang tunay na may kinalaman sa kaso, at ito raw ay kanilang patutunayan sa nagpapatuloy na preliminary investigation ng DOJ.
Naniniwala rin ang kampo ni Ang na makikita ng DOJ ang kawalan ng basehan ng mga paratang at kalaunan ay tuluyan nang ibabasura ang kaso.
Noong nakaraang linggo, personal na naghain si Atong Ang ng sarili niyang counter-affidavit at hiniling sa mga piskal na ibalik sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang kaso para muling isailalim sa imbestigasyon.









