Sinagot ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ng National Nutrition Council kung challenging ba ang pagpapakain sa mga sanggol at young children?
Sa Episode 18 ng program, tinutukan nina Zhander Cayabyab at Ms. Jovie Raval ng NNC kasama ang isang Child Health and Breastfeeding Care Specialist ang mga angkop na complementary food at tamang paraan ng pagpapakain sa mga sanggol.
Ayon kay Dr. Maria-Julita San Joaquin-Sibayan, isa sa dalawamput limang na International Board Certified Lactation Consultant sa bansa, ang complementary feeding ay dahan-dahan na pagdaragdag ng solid food sa diet ng baby pagtungtong nito ng anim na buwan pataas kasabay ng patuloy na breastfeeding.
Paliwanag ni Dr. San Joaquin-Sibayan, kinakailangan ng complementary food pagtungtong ng sanggol ng anim na buwan dahil nagbabago na ang nutrisyon na kailangan nito na tanging makukuha sa solid foods.
Aniya, hindi komplikado o pahirapan ang mga complementary food para kay baby dahil mahahanap lang ito sa bahay tulad ng mga prutas at gulay.
Ang mahalaga aniya ay gawing paunti-unti ang pagbibigay sa unang mga linggo ng pagkain ng solid foods kay baby upang malaman kung may reaksyon o allergy sila dito.
Ilan sa mga pagkain na maaaring ibigay kay baby ay ang kalabasa, kamote, patatas at ilang root crops.
Ibinibigay naman aniya ang pagkaing sagana sa protina tulad ng itlog, isda at karne ng manok kung walong buwan na ang sanggol kung saan kaya na ng panunaw nito.
Maigi rin aniya na gawin ang Baby-Led Weaning o BLW, isang pamamaraan upang mas ganahan o bigyan ng tecture ang pagkain ng mga sanggol.
Kasabay nito, hindi naman inirerekomenda ni Dr. San Joaquin-Sibayan ang pagbibigay ng processed foods, matatamis at maaalat na pagkain sa mga sanggol upang lumaki itong malusog.
Pinayuhan din nito ang mga magulang na tignan ang mga feeding guidelines na ibibigay ng ilang ahensya ng gobyerno tulad ng NNC at World Health Organization para mas magabayan sila sa tama at angkop na pagpapakain kay baby.