Hinimok ng Department of Social Welfare and development (DSWD) ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang mga anomalya at iregularidad kaugnay sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Kasunod na rin ito pagkakadiskubre na may ilang namayapa na ang nakatanggap ng financial assistance ng SAP.
Sa interview ng RMN Manila kay DSWD Spokesman Director III Irene Dumlao, nagtayo ang DSWD ng Grievance Redress System (GRS) kung saan maaaring i-report ng ating mga kababayan ang mga reklamo o anomalya sa listahan ng sap beneficiaries.
Ayon kay Dumlao, 24/7 na nakatutok ang DSWD Central Office-Operation Center na may hotline na 16545 para tumanggap ng reklamo.
Pagtitiyak ng opisyal, lahat ng natatanggap nilang report ay kanilang aaksyunan.
Bukod rito, nakikipag-ugnayan na rin aniya ang DSWD sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang maparusahan ang mga Local Government Units (LGUs) na gumagawa ng iregularidad.
Batay sa datos ng DSWD, kabuuang 80.3 billion pesos na ang naibigay nilang pondo sa mga Lokal na Pamahalaan kung saan 39.4 billion pesos na ang naipamahagi sa 7.6 milion low-income families mula sa kabuuang 18 million SAP beneficiaries.