Mga apektadong pamilya ng Bagyong Odette sa Siargao Island at Dinagat Islands, nahatiran ng tulong ng RMN Foundation kasama ang RMN Butuan at RMN Surigao

Halos magdadalawang buwan na nga ang nakalilipas matapos hagupitin ng Bagyong Odette ang Isla ng Siargao at probinsya ng Dinagat Islands ay hirap pa ring makabangon ang mga kababayan nating naapektuhan ng bagyo.

Matatandaan na siyam na beses nag-landfall ang Bagyong Odette noong December 2021 at ito ngang Isla ng Siargao ang unang landfall at pangalawang nag-landfall naman sa probinsiya ng Dinagat Islands na lubhang napuruhan ng bagyo.

Kaya naman ang RMN Foundation kasama ang RMN Butuan at RMN Surigao ay nakapaghatid ng tulong sa mga apektadong komunidad na nasalanta ng Bagyong Odette sa bayan ng Santa Monica, Isla ng Siargao, sa Surigao del Norte at bayan ng Dinagat sa probinsiya ng Dinagat Islands.


Nakatanggap ang 1,000 pamilya o 5,000 indibidwal ng food pack na naglalaman ng bigas, tubig, mga de lata, instant noodles at kape sa apat na barangay ng Isla ng Siargao at Dinagat.

Nagbigay rin ng mga solar radio unit ang RMN Surigao sa ilang barangay ng Dinagat Islands bilang bahagi ng one radio campaign ng RMN Foundation.

Kwento ng mga residente na ating nakausap, bagama’t wala na ang bagyo ay hirap pa rin sila sa pagkain at kailangan din nila ng mga materyales na pampagawa ng kanilang bahay lalo’t madalas pa rin ang pag-ulan sa kanilang lugar.

Nagpapasalamat naman ang lokal na pamahalaan ng Santa Monica at Dinagat sa tulong na ipinagkaloob sa kanilang mga residente sa tulong ng donor na Project Nightfall Organization.

Para sa kaalaman ng lahat, ang Project Nightfall Organization ay isang social media channel na nagpo-produce ng mga makabuluhang video content na napapanahon at mahahalagang usapin sa kapaligiran para sa online platforms.

Lubos naman ang pasasalamat ng RMN Foundation sa Surigao del Norte provincial government, Santa Monica Local Government Unit, Santa Monica municipal police station, at sa Dinagat Islands provincial government.

Especially sa donor natin na Project Nightfall Organization.

Matapos nga ang ating relief operations dito sa CARAGA region, ang RMN Foundation ay maghahanda muli para maghatid naman ng tulong sa mga apektadong pamilya ng Bagyong Odette sa Region 6, 7 at 8 partikular sa mga probinsiya ng Leyte, Southern Leyte, Bohol, Cebu at Negros Island sa mga susunod na linggo.

Facebook Comments