Umaabot na sa 50,000 inidibidwal ang nagpahayag nang kagustuhang umuwi sa kani-kanilang mga lalawigan sa ilalim ng ‘Balik-Probinsya, Bagong Pag-asa Program’.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang nasabing bilang ng mga aplikante ay kombinasyon ng mga nag-apply online at ‘yong nagpunta mismo sa tanggapan ng National Housing Authority (NHA).
Sa ngayon, inuuna muna nilang pabalikin ng mga lalawigan ay may mga bahay na nang sa ganon ay livelihood o kabuhayan na lamang ang ipagkakaloob sa kanila ng gobyerno.
Habang sa mga walang bahay na nagnanais makauwi ng probinsya ay hinahanapan pa nila ang mga ito ng matitirhan at saka bibigyan ng naaangkop na pangkabuhayan.
Tiniyak din ng kalihim na ang gobyerno na ang bahala sa kanilang transportasyon.
Samantala, sa mga nais umuwi sa kanilang probinsya ay maaaring mag-apply online sa balikprobinsya.ph
Matatandaan nitong May 6, 2020, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “Balik-Probinsya, Bagong Pag-asa Program” kung saan layon nitong ma-decongest ang Metro Manila upang palawakin at dalhin sa mga probinsya ang pagbibigay ng social services, paglikha ng maraming trabaho at Negosyo, at tiyakin na maitaas ang antas ng pamumuhay sa mga rural area.