Cauayan City, Isabela- Nagbabala ang pamunuan ng Regional Recruitment and Selection Unit 2 sa mga magulang at aplikante na maging mapagmatyag at mag-ingat sa mga taong nananamantala sa kasalukuyang PNP Recruitment.
Kasunod ito ng nangyaring panggagantso ng isang 22 taong gulang na babae na kinilalang si Jebelyn Buncag ng Reina Mercedes, Isabela na nagpanggap bilang isang pulis sa pangalang Police Major Sharynyl Raffin ng PNP Special Action Force kung saan nakapang biktima siya ng mahigit limang (5) aplikante mula sa iba’t-ibang bayan sa Isabela at Cagayan.
Nabatid ng mga otoridad na mula sa halagang Php1,500.00 ang pinakamababa at pinakamataas ang halagang Php750,00 ang siningil umano ni Buncag sa mga biktima ng aplikante kapalit ng kanilang pagpasok sa PNP at AFP.
Ayon kay Police Colonel Augusto Bayubay ng RRSU2, walang bayad ang pagpasok sa PNP at sa iba pang uniformed service.
Nilinaw ng opisyal na ang nagaganap na recruitment ay naka base sa Merit and Fitness at Equal opportunity para sa lahat ng kwalipikadong aplikante.
Kaugnay nito, tiniyak ni PCol Bayubay na hindi papayagan ng RRSU2 na mabahiran ng ireguralidad ang recruitment sa PRO2 lalo pa at mahigpit ang tagubilin ni PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar na gawing malinis at patas ang pagpili ng mga aplikante sa pamamagitan ng QR Code System.
Nanawagan din ito sa mga magulang na ipagbigay alam kaagad sa kanilang tanggapan kung may mga lumalapit sa kanila na nag-aalok ng slot sa PNP kapalit ng malaking halaga.