Hinikayat ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang publiko na gamitin ang mga leksyon na iniwan ni Dr. Jose Rizal bilang inspirasyon upang maging mabuting mamamayan ngayong Rizal Day.
Sinabi ni Legarda na sa kabila ng paglipas ng 127 taon, nananatili pa rin ang mga aral na bigay ni Rizal na dapat ay gamitin palagi para sa pagmamahal sa bayan at sa pagiging modelong Pilipino.
Isa aniya sa dapat isabuhay ay ang walang kapagurang paghahanap ni Rizal ng mga bagong kaalaman upang maresolba ang mga problema sa bansa partikular ang climate change.
Batay pa aniya sa mga pag-aaral, isa ang Pilipinas sa mga bansang lantad sa negatibong epekto ng climate change.
Binigyang-diin pa ng senadora na ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman ay makakatulong sa susunod na henerasyon upang magkaroon ng makabuluhang buhay.