Mga ari-arian ng alkalde ng Porac, Pampanga, posibleng isunod na rin sa ilalagay sa freeze order

Matapos ang freeze order ng Court of Appeals sa mga assets at bank accounts ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, posibleng isunod na ang mga ari-arian ng alkalde ng Porac, Pampanga.

Ito ang sinabi ng Office of the Solicitor General (OSG) sakaling sampahan ng kasong money laundering at civil forfeiture cases si Mayor Jaime Capil.

Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, sa ngayon ay wala pang inihahaing kaso laban sa alkalde pero patuloy ang pagkalap ng mga ebidensiya.


Sina Capil at Guo ay kabilang sa mga ipinatawag at iniimbestigahan ng Senado kaugnay sa operasyon ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub sa nasasakupan nilang bayan.

Batay sa pagdinig ng Senado, tila binibigyan umano ng lokal na pamahalaan ng Porac ng special treatment ang kumpanyang Lucky South 99 na sinalakay kamakailan at nasagip ang mahigit isandaang dayuhan na ang ilan ay dinukot at biktima pa ng torture.

Sa naturang POGO hub din sa Porac nadiskubre ang mga umano’y uniporme ng Chinese military.

Facebook Comments