Nanawagan ngayon si Committee on Economic Affairs Chairperson Senador Imee Marcos sa pamahalaan na madaliin ang pagbebenta ng mga “toxic” o non-performing assets para makalikom ng dagdag pondo na magagamit pantugon sa COVID-19 pandemic.
Ang apela ni Marcos ay nakapaloob sa inihain niyang Senate Bill 1646 o Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act.
Itinatakda ng panukala ang pagbuo ng specialized asset management corporation na siyang maglilinis mula sa mga pagkakautang at hindi mapakinabangang mga ari-arian ng mga lending institutions.
Giit ni Marcos, tila virus ang mga hindi nababayarang utang at iba pang non-performing asset na nakakaapekto sa ating ekonomiya.
Paliwanag pa ni Marcos, kulang ang P140 billion na inilalaan ng ating mga economic manager sa ikalawang stimulus package.
Diin ni Marcos, makatutulong ang mga FIST corporations na dagdagan ang pondo ng gobyerno para tugunan ang pangangailangang dulot ng COVID-19 crisis.