Mga armas, nasabat sa NAIA terminal 3

638

Manila, Philippines – Inaalam na ngayon ng PNP Aviation Security Group kung sino ang nakaiwan ng 2 back pack na naglalaman ng mga armas sa NAIA terminal 3.

Ayon kay PSupt. Christian Melchor kabilang sa kanilang mga narekober ay 2 piraso ng kalibre 45 baril, 4 na pirasong magasin at 40 bala na nakuha sa kulay asul at maroon na back pack.

Sinabi pa ni Melchor na base sa salaysay ng airport security guard nakita nito ang luggage sa 4th level ng concessionaire area ng NT3 na nasa harap lamang ng isang restaurant.

Hindi naman inakala ng security guard na may laman itong baril kung kaya’t agad itong dinala sa lost & found section.

Nang inspeksyunin doon na tumambad sa mga otoridad ang mga baril, magasin at bala na agad itinurn over sa AVSECGROUP.

Sinabi ni Melchor alinsunod sa protocol, bago makapasok ang isang bagahe ay dumadaan muna ito sa mahigpit na security screening at agad dapat nakita ang mga armas sa xray machine.

Inaalam na ngayon ng AVSECGROUP sa pamamagitan ng mga cctv na nakakalat sa paliparan kung sino ang nakaiwan ng nasabing mga bagahe.

Facebook Comments