
Narekober ng 4th Infantry Diamond Division ng Philippine Army ang mga armas ng Communist Terrorist Group (CTG) na itinago sa mabundok na bahagi ng San Luis, Malitbog, Bukidnon.
Matagumpay na nahukay ang dalawang CZ 858 rifles, isang M16A1 rifle, sampung 7.62mm 30-round magazines, at isang 5.56mm 30-round magazine.
Ang nasabing operasyon ay naging posible dahil sa impormasyong binigay ng dating miyembro ng teroristang grupo na sumuko sa mga awtoridad.
Pinuri naman ni Brigadier General Seigfred Tubalado, Commander ng 403rd Infantry Peacemaker Brigade ang nasabing matagumpay na operasyon.
Binigyang-diin niya na nagpapakita lamang ito ng kakayanan ng militar para lansangin ang nalalabing mga CTG at protektahan ang komunidad sa mga pagtatangka ng muling pagpapangkat.
Samantala, tiniyak naman ng 4ID na tuloy-tuloy lang ang kanilang isinasagawang operasyon habang nagpapatuloy rin ang pagpapasuko sa mga dating rebelde sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng pamahalaan.









