Manila, Philippines – Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na pwede namang ikampaniya ng mga artista ang mga kandidato sa social media ng walang limitasyon basta at gagawin nila ito ng libre.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, karapatan ng kahit na sino na ikampaniya ang isang kandidato sa social media.
Aniya, ang gastos lamang sa production ng campaign ads at promotion para rito ang kasama sa charge sa spending limit.
Ang promotion ay ang pagbabayad para sa over-reaching o ang pag-boost sa mga post para maging visible ito sa mas maraming tao.
Sabi pa ni Jimenez, magiging isyu rin ang ibinayad ng isang kandidato sa promotion ng post na dapat i-ulat ng mga celebrity endorsers alinsunod sa Fair Election Act.
Sa ilalim ng election laws, ang kandidato sa pagka-senador ay dapat gumastos lamang ng P10 kada botante.
Ang kandidato ng party-list ay P3 kada botante at ang political parties ay P5 per voter lamang.