Magkakasunod na nagsidatingan ngayong umaga ang ilan sa mga aspirant para sa pagka-kongresista sa Commission on Election – National Capital Region (COMELEC-NCR) sa San Juan City para maghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC).
Pinakamaaga rito na nagsumite ng kanyang kandidatura si Marikina City Mayor Marcy Teodoro na kakandidatong kongresista para sa unang distrito ng ng lungsod.
Pangunahing tututukan ni Teodoro ang pagbibigay ng solusyon sa matinding pagbaha sa lungsod oras na mahalal na kongresista.
Bandang alas-9:30 ng umaga ay dumating naman si Doc. Louisito “Louie” Chua na naghain ng COC para tumakbong kinatawan ng 4th District ng Marikina City.
Magkasunod namang naghain ng kandidatura si dating An-waray Partylist Representative Florencio Gabriel “Bem” Noel na tumatakbong kinatawan ng Lone District ng Malabon habang for reelection naman si Lone District Muntinlupa Representative Jaime Fresnedi.
Tiwala si Noel na hindi makakaapekto sa kanyang kandidatura ang pagkaka-unseat ng An-Waray Partylist na hanggang sa ngayon ay inilalaban pa rin na maibalik mula sa pagkakaalis sa listahan ng mga partylist at pangunahing tututukan ang proyektong pabahay.
Pinakahuli sa dumating ngayon para maghain ng kandidatura si Pasig City Representative Roman Romulo para sa reelection at ipagpapatuloy niya ang pagtutok sa edukasyon ng bansa.