Nagdiwang ang mga empleyado at lahat ng nasa Batasan Pambansa sa pagdating ng mga atletang Pilipinong na sumabak sa 2024 Summer Olympics sa Paris, France.
Sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay ginawaran sila ng House of Representatives ng parangal at cash gifts.
Pangunahin dito si two times Olympic gold medalist Carlos Edriel Yulo na binigyang ng Kamara ng kabuuang 14 milyong piso kung saan ang mahigit 8 milyong piso ay pinag-ambagan ng mga kongresista.
Iginawad rin kay Yulo ng Kamara ang Congressional Medal of Excellence na siyang pinakamataas na reward na ibinibigay ng Kamara sa mga Filipino achievers sa larangan ng sports, pagnenegosyo, science, at arts and culture.
Binigyan naman ng tig-3.5 million pesos ng Kamara sina bronze medalists Nesthy Alcayde Petecio at Aira Cordero Villegas, sa naturang halaga ang ₱2.5-million ay pinag-ambagan ng mga kongresista at ginawaran din sila ng Congressional Medal of Distinction.
Ang iba pang mga atletang sumabak sa Olympics tulad ni EJ Obiena na pumwesto sa ika-apat sa men’s pole vault finals ay pinagkalooban ng tig-500,000 pesos.
Bukod sa mainit na pagbati at pasasalamat sa karangalang ibinigay ng mga atleta sa buong bansa at mga Pilipino ay binigyang diin naman ni Romualdez sa kanyang mensahe na panahon na para i-review ang national athletes, coaches ang trainers benefits and incentives act para mas mapalakas ang suporta sa mga atletang Pilipino.