Mga awtoridad, agad na pinakikilos ng Senado kaugnay sa mga ulat ng human trafficking at kidnapping sa mga foreign tour

Pinakikilos ni Senator Grace Poe ang mga awtoridad para agad na silipin ang umano’y human trafficking na nagkukubli sa mga ginagawang foreign tour.

Ayon kay Poe, may nakarating sa kanyang impormasyon na ang mga turistang pumupunta sa bansa para sa group tours ay naki-kidnap at ibinibenta sa mga sindikato.

Aniya pa, kapag nabawi na ng sindikato ang kanilang mga ginastos ay saka lang pakakawalan ang nakidnap na foreigners.


Nababahala ang senadora dahil bukod sa kidnapping ay nasasangkot din sa prostitusyon ang mga kababaihang dayuhan na na-kidnap ng mga sindikato.

Kinalampag ni Poe ang mga awtoridad at mga kaukulang ahensya ng gobyerno na makipag-ugnayan na at simulan na ang imbestigasyon upang masawata na ang mga sindikatong nasa likod ng pagdukot at exploitation sa mga dayuhan.

Hiniling din ng senadora sa Bureau of Immigration (BI) na paigtingin pa ang inspeksyon sa mga dayuhang pumapasok sa bansa at tiyaking ang mga ito ay lehitimong bisita at hindi mga trafficked person.

Facebook Comments