Hinamon ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe ang mga awtoridad na simulan nang tugisin ang mga scammers na patuloy na gumagawa ng paraan para maloko ang ating mga kababayan gamit ang Subscriber Identity Module (SIM).
Nitong July 25 ang pagtatapos ng SIM registration para sa mga dati nang gamit na SIM kung saan lahat ng mobile services ay awtomatikong mawawala gaya ng tawag, data at texts maliban na lamang kung ire-reactivate ang kanilang SIM sa loob ng limang araw na ibinigay na ‘grace period’.
Giit ni Poe, panahon nang ipakita ng mga law enforcers kung papaano masasampulan ang mga lumalabag sa SIM Registration Law.
Punto ng senadora, ang pagtatapos ng SIM registration sa mga lumang SIMs ay hudyat ng pagsisimula na paigtingin ang crackdown sa mga mobile phone scammers.
Sinabi pa ng mambabatas na hindi na rin mahihirapan ngayon ang Philippine National Police (PNP) at iba pang kinauukulan sa pagtugis sa mga scammers dahil mayroon nang mekanismo at maaasahang data na maaari nilang ma-monitor laban sa mga gumagawa ng krimen gamit ang SIM.
Aniya, hindi dapat bigyan ng puwang ang mga scammers na gawin ang kanilang mga modus nang hindi natutukoy at hindi napapanagot sa batas.
Umaasa pa si Poe na magiging maagap at mabilis ang mga awtoridad sa pagresponde sa mga sumbong para na rin sa kapanatagan ng ating mga kababayan.