Mga babaeng hukom, walang pasok ngayong araw bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng International Day of Women Judges

Walang pasok ngayong araw ng Lunes, March 11 ang lahat ng babaeng hukom sa buong bansa.

Ito’y matapos ilabas ang Memorandum Order No 27-2024 ni SC Acting Chief Justice Marvic Leonen.

Nabatid na ang desisyon ay bahagi ng pagdiriwang ng International Day of Women Judges na ipinroklama ng United Nations General Assembly noong Abril 28, 2021 para isulong ang patas na partisipasyon ng mga babae sa lahat ng lebel ng hudikatura.


Idineklara ng United Nations ang bawat ika-10 ng Marso bilang International Day of Women Judges pero sa taon na ito ay gugunitain ang International Day of Women Judges ngayong araw.

Ayon kay Justice Leonen, ang araw na ito ay bilang pagkilala sa mga babaeng hukom dahil sa mga nagawa nila upang ipatupad ang batas, pagkakapantay-pantay sa karapatan at kapayaapaan ng bansa.

Hinikayat naman ni Leonen ang lahat ng mahistrado, hukom at mga kawani na magkaisa sa paggunita sa papel ng mga kababaihan sa hudikatura kung saan nabatid na sa halos 2,000 hukom sa bansa, 55% dito ay mga kababaihan.

Facebook Comments